Saturday, 21 December 2019

SI MARIANG MAPANGARAPIN



Magandang dalaga si Maria.  Masipag siya at masigla.  Masaya at matalino rin siya.  Ano pa't masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin.  Umaga o tanghali man ay nangangarap siya.  Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising.  Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin.  Hindi naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok.  Tuwang-tuwa si Maria!  Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya.  Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya.  Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria.  Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon.  Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba.  At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria.  Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw.  At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo.  Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw.  Nabuo ito sa limang dosenang itlog.  At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria.  Sunong niya ang limang dosenang itlog.  Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria.  Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog.  Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng.  Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog!  Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan.  Saka siya umiyak nang umiyak.  Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.

Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.

Sanggunian: Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp. 84-85.

Ang Sayaw ng Mandirigma




Noong unang-unang panahon ay mababa lamang ang kalangitan. Napakababa nito na kayang abutin ng mga tao.

Dahil sa lapit na ito ng langit, ang kahilingan ng mga tao ay agad na naririnig ng mga diyos sa kalangitan at kaagad na ipinagkakaloob sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit sadyang inilapit ng mga diyos ang langit sa mundo. Ang nais nila ay matulungan ang mga tao. Sa ganitong kalagayan, maligaya ang mga tao. Wala silang gagawin kung hindi humingi at agad namang ipagkakaloob sa kanila.

Hindi nagtagal, umabuso ang mga tao. Naging tamad na sila. Ayaw na nilang magtrabaho at iniaasa na lamang sa mga diyos ang kanilang panga-ngailangan. Dahil dito, nagalit ang mga diyos kaya binago nila ang kanilang panuntunan. Patuloy pa rin nilang pangangalagaan at pagbibigyan ang mga tao sa kanilang kahilingan ngunit paghihirapan muna nila ito. Kailangan nilang magtrabaho bago nila makamtan ang anumang nais nila.

Mula noon, hindi na naging madali ang pamumuhay ng mga tao. Nagsimula na silang gumawa sa bukid sa ilalim ng init ng araw o buhos ng ulan. Ang pagtatanim at pag-aani ay kanilang pinagtutulungan.

Pagkatapos ng anihan, sila ay nagkakaroon ng mga pagdiriwang bilang pasasalamat sa masaganang ani. Naghahanda sila ng maraming pagkain at inumin. Ang kasayahang ito ay inaabot ng isang buong linggo. Masaya ang lahat, lalo na ang mga magsasaka, dahil makapagpapahinga sila ng ilang buwan habang marami pa silang pagkain.



Isang araw ay inihayag ni Abing, pinuno ng tribu, na magkakaroon sila ng marangyang pagdiriwang dahil sa higit na masaganang ani. Tulad ng inaasahan, nagkaroon ng malaking kasayahan ang buong nayon. Bumaha ang napakaraming pagkain at inumin.

Matapos magpasalamat sa mga diyos, nagsimula ang pagdiriwang. Pinagpistahan ng mga dumalong panauhin ang masasarap na pagkain at inumin. Matapos ito ay inanyayahan ng pinuno na manood ang lahat sa ipakikitang sayaw ng mga mandirigma bilang parangal sa pagpapanatili nila ng katahimikan sa kanilang lugar.

Gayon na lamang ang tuwa ng mga tao nang magsimulang sumayaw ang mga mandirigma na buong husay na iwinawasiwas ang kanilang mga sibat. Sinabayan sila ng mga panauhin sa pag-indak sa tugtog habang pumapalakpak. Isang mandirigmang napakahusay humawak ng sibat ang labis na hinangaan ng mga manonood. Bigla silang natahimik habang pinanonood ang kakaibang husay nito sa pagsayaw at paghawak ng sibat. Dahil sa kalasingan at nakikitang paghanga ng tao sa kanya, marahan itong umikot paitaas at ikinumpas ang kanyang sibat nang napakataas.

Napasigaw ang lahat! Nakalimutan ba ng mandirigma na mababa lamang ang langit? Hindi lamang niya natusok ang mga ulap, nasugatan din niya ang isa sa mga nanonood na diyos!

Nagalit ang ibang mga diyos sa pangyayaring ito. Nang gabi ring iyon, ipinasya nilang itaas ang langit mula sa lupa.

Simula noon, ang panalangin ng mga tao ay naglalakbay muna ng napakalayo bago marinig ng mga diyos at ito ay ipagkaloob sa kanila. Patuloy pa ring pinangangalagaan ang mga tao ng mga diyos sa langit ngunit ang binibigyan lamang nila ng grasya ay iyong mga karapat-dapat. At kung ibigay man ang hinihiling nila, ito ay karaniwang hindi kaagad. Nagtatagal muna bago ito ipagkaloob. Nangyari ito dahil lamang sa walang ingat na pagsasayaw ng isang mandirigmang nakatusok sa ulap at nakasugat sa isa sa mga diyos.

Mga Kwentong Bayan


Ang kuwentong-bayan (Filipino: folklor) ay mga salaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan sa mga uri ng mamamayan, katulad ng matandang hari, isang marunong na lalaki, o kaya sa isang hangal na babae. Karaniwang kaugnay ang kwentong-bayan ng isang tiyak na pook o rehiyon ng isang bansa o lupain. Kaugnay nito ang alamat at mga mito.

Ang kwentong bayan ay kwentong walang may-akda. Nagpalipat-lipat lamang ito sa bibig ng mga tao.